PAGTAAS sa presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin sa merkado ang magiging batayan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagsusuri ng petisyon para sa dagdag-singil sa pamasahe ng Transportation Network Vehicle Service (TNVS).
Para kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz III, higit na angkop balansehin ng ahensya ang kita ng mga tsuper at operator TNVS sa antas na hindi masyadong masakit sa bulsa ng mga pasahero.
Pagtitiyak ni Guadiz, isinasaalang-alang din ng LTFRB ang inflation, at iba pang gastusin sa bawat adjustment ng pasahe.
Kasama rin sa kanilang pagsusuri ang posibilidad ng pagtatakda ng minimum fare para sa mga maikling byahe. Gayunpaman, nilinaw ng LTFRB chief na kailangan pa muna magkaroon ng sapat na datos bago ang implementasyon.
Binabantayan din umano ng LTFRB ang sistema ng booking ng InDrive upang matiyak ang patas na kompetisyon.
Kabilang rin aniya sa tinutukan ng LTFRB ang usapin sa tipping policy ng JoyRide, na hindi saklaw ng Republic Act 11360 (Service Charge Law), kasabay ng pahiwatig na bukas ang ahensya sa pag-aaral ng posibleng regulasyon para protektahan ang kita ng mga driver.
Ayon pa kay Guadiz, na pinapaspasan na rin ng LTFRB ang proseso ng aplikasyon para sa TNVS para sa mga kwalipikadong aplikante.
