MATAPOS madawit sa eskandalo kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon, tuluyan nang nagbitiw sa pwesto bilang Commissioner ng National Police Commission (Napolcom) si retired Col. Edilberto Leonardo.
Una nang inatasan ng quad committee ang pagpiit kay Leonardo sa detention facility ng Kamara sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City matapos itanggi ang pagdalo sa isang pulong bago pinaslang ang tatlong Chinese drug convicts sa Davao Prison at Penal Farm noong Agosto 2016.
Batay sa sinumpaang salaysay ng mga testigong lumutang sa pagdinig ng Kamara, naganap ang pulong sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Davao City. Kabilang di umano sa mga dumalo sina Davao Prison and Penal Farm Chief Gerardo Padilla at retired police Colonel Royina Garma – bagay na itinanggi ni Leonardo.
Sa pinakahuling pagdinig ng quad comm, kumambyo si Garma. Aniya, si former President Rodrigo Duterte ang may pakana sa implementasyon ng madugong giyera kontra droga sa loob ng anim na taong termino.
Pag-amin ni Garma, siya mismo ang nagrekomenda kay Leonardo na noo’y naka-assign sa CIDG para bumuo ng special task force halaw sa Davao model.
Ibinunyag din nito ang reward system at ang pondo ay dinadaan sa bank accounts ni Peter Parungo isang dating detainee.
Sinabi din ni Garma na mismong si Leonardo ang nagrereport ng lahat ng namatay mula sa police operations para makasali sa weekly reports at upang masiguro na ma-refund ang mga operational expenses.
Aniya pa, si Leonardo ang tumutukoy kung sino ang isasama sa listahan ng mga drug personalities at kung sino ang tatanggalin sa listahan.
