Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“ANG West Philippine Sea ay hindi isang kathang-isip natin lamang. Ito ay atin. At ito ay mananatiling atin, hangga’t nag-aalab ang diwa ng ating mahal na bansang Pilipinas!”
Ito ang binigyan-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bahagi ng kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) kasabay ng garantiyang hindi isusuko ang kahit maliit na bahagi ng West Philippine Sea (WPS) sa sinumang nais na umangkin ng naturang maritime region.
Sa gitna aniya ng mga hamong kinakaharap ng Pilipinas sa pagtatanggol sa territorial sovereignty, patuloy na ipaglalaban ng pamahalaan ang karapatan at interes ng bansa sa patas at mapayapang kaparaanan.
“Proper diplomatic channels and mechanisms under the rules-based international order remain the only acceptable means of settling disputes,” sambit ni Marcos.
Kumbinsido rin ang Pangulo na higit pang titibay ang posisyon ng Pilipinas sa hangaring protektahan ang nasasakupang karagatan sa sandaling ganap na idekalarang “host country” ang Pilipinas sa idaraos ng 2026 ASEAN Summit.
Gayunpaman, naniniwala si Marcos na higit na angkop yakapin ng Pilipinas ang mga pamamaraan para pahupain ang tensyon sa pinag-aagawang teritoryo.
“I know that our neighbors too are doing their very best to make this work,” dagdag pa niya.
Umaasa naman si Marcos na pagtitibayin ng Kongreso sa lalong madaling panahon ang panukalang Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act, para maunawaan ng mga ordinaryong Pilipino ang tunay na usapin sa likod ng West Philippine Sea.
Kinilala rin ng Pangulo ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at mga mangingisda sa sakripisyo at patuloy na pagbabantay sa karagatang sakop ng Pilipinas.
