NI LOUIE LEGARDA
Sa dami at lawak ng impormasyong natanggap sa sumbungan website na inilunsad kamakailan ng Palasyo, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. simulan ang pagkalos sa talaan ng mga kontratista sa likod ng mga palpak— kung hindi man ghost infrastructure projects.
Sa ginanap na regular press briefing sa Malacanang, inamin ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na lubhang nagalit si Marcos sa mga nadiskubreng kabalbalan ng mga kontratista.
Bilang pambungad, naglabas ng direktiba ang Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na isumite sa lalong madaling panahon ang talaan ng mga kontratista ng mga palpak, kung hindi man ghost projects.
Bukod aniya sa blacklisting, tiniyak din ni Castro na pakikilusin ni Marcos ang Department of Justice (DOJ) para sa pagsasampa ng patong-patong na kasong kriminal, hindi lang sa hanay ng mga contractor kundi maging sa mga kasapakat na opisyales ng DPWH.
Samantala, ibinahagi rin ni Castro na pumalo na sa mahigit 2,000 reklamo ang natanggap ng Pangulo sa Sumbong sa Pangulo website sa nakalipas na linggo.
