Tapos na ang panahon ng pangungutya sa makupad na responde ng kapulisan sa bisa ng 5-minute response policy ng PNP. Makikita sa larawan sina PNP chief Gen. Nicolas Torre III at Police Command Center chief Supt. Ramon Pranada na tumatayong hepe ng Police Command Center. (Larawan ni Art Torres)
NI JIMMYLYN VELASCO
ANG tanging trabaho ng mga pulis ay magsilbi at protektahan ang mga mamamayan, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III.
Sa isang press briefing sa punong himpilan ng pambansang pulisya, ibinida ni Torre ang aniya’y isinusulong na 5-minute response policy na naglalayong ibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa kapulisan.
“Hindi dapat tulisan ang tingin ng mga mamamayan sa kapulisan,” wika ni Torre kasabay ng giit na ang agarang pagresponde sa tawag ng saklolo ang magsisilbing patunay ng kahandaan ng PNP maglingkod at magbigay proteksyon sa bisa ng 911 emergency hotline.
“Sa isang tawag lang sa 911, agad na darating ang saklolo. Mas mabilis, mas maayos ang koordinasyon, at may pananagutan ang mga tumutugon,” ani Torre.
“Maski wala kayo ng load, makakatawag kayo sa 911 emergency hotline,” aniya pa.
Samantala, inamin ni Col. Ramon Pranada na tumatayong punong-abala sa PNP Command Center na hindi na bago ang emergency hotline. Gayunpaman, nilinaw ni Pranada na higit na angkop ang pagresponde sa tawag ng saklolo sa loob lang ng limang minuto — o mas mabilis pa.
“Sa pag-upo ni General Torre bilang PNP chief, mas pinalakas at inilipat ang pangangasiwa ng 911 emergency hotline sa PNP Command Center… lahat ng klase ng tawag tinatanggap namin — krimen, sunog at iba pang pwede kami magsilbing instrumento,” sambit ni Pranada.
“Kasi nga ang panuntunan ng PNP is to serve and protect,” dagdag ng koronel.
Bilang patunay, ibinida ni Pranada ang 73 percent performance rating na nasungkit ng PNP sa isinagawang survey ng Octa Research Group — bukod pa sa 71 percent na trust rating.
