HINDI sapat ang parusang kulong sa mga mandarambong sa pamahalaan, ayon sa grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Sa isang pulong-balitaan, partikular na isinusulong ni VACC President Arsenio Evangelista ang “death penalty” sa mga mapapatunayan nagkasala sa salang plunder.
Para kay Evangelista, maituturing na pagsabotahe sa ekonomiya ang bawat sentimong inuumit sa kaban ng bayan o ibinubulsa ng mga tiwaling opisyal at kawani ng gobyerno.
Gayunpaman, inamin ng pinuno ng VACC na hindi madaling palusutin sa Kongreso ang kanilang mungkahi, lalo pa’t karamihan aniya sa mga sangkot sa malalaking katiwalian at ang mga mismong mambabatas .
Kinuwestyon din ng lider ng VACC ang tila pag maniobra ng ilang opisyal ng gobyerno sa isyu ng flood control scandal. Duda si Evangelista, ang paglilihis sa tunay na usapin ay sadyang ginagawa para makaiwas sa pananagutan ang mga responsable.
“Hanggang ngayon hindi pa nasasagot ang katanungan ng marami sa atin — sino pa ang ibang sangkot sa isyu at sino pa ang mas mataas kay dating Congressman Zaldy Co na nagbulsa ng pondo kontra baha?”
