
KUNG anong higpit ng Social Security System (SSS) sa proseso ng loan applications ng mga miyembro, siyang luwag naman sa mga kumpanyang hindi nagreremit ng mandatory contribution ng mga empleyado.
Batay sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) sa Social Security System (SSS), lumalabas na bigo ang naturang ahensya kolektahin ang higit P93 bilyong halaga ng premium contributions mula sa mga delingkwenteng employers noong taong 2023.
Sa datos ng COA, nakasingil lang ang SSS ng P4.581 bilyon (katumbas ng 4.89 percent) ng kabuuang P93.747 bilyong “established collectibles.”
Ayon sa SSS, nasa P89.166 bilyon ang total net collectibles ng ahensya hanggang noong Disyembre 31, 2023.
Sakop umano nito ang 420,267 delinquent regular/business employers at household employers.
Sa 420,267 employers, 349,189 ang dedma sa installment plan na alok ng SSS para sa mga delinquent accounts.
Nasa 103 employers na may delinquent accounts na nagkakahalaga ng P95.308 milyon ang nag-avail ng installment plan.