November 4, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

PAMBABARAKO NG CHINA SA WPS WALANG HUMPAY — DFA

NI ANGEL F. JOSE

MAS matapang na Department of Foreign Affairs (DFA) ang ipinamalas kahapon ng isang opisyal sa hayagang pagbubunyag ng patuloy na pambabarako ng China sa mga mangingisdang Pinoy na pumapalaot sa karagatang pasok sa 200-nautical mile radius Exclusive Economic Zone ng bansang Pilipinas

Pag-amin ni Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo, araw-araw may naitatalang insidente ng pagtataboy ng mga Chinese vessels sa West Philippine Sea.

“On a day-to-day basis, there are still many events occurring in the South China Sea. And there are daily incidents, at least as far as we see it, of cases of harassment or land reclamation, which in many cases have been depriving the Philippines of the use of our exclusive economic zone,” pahayag ni Manalo sa talakayan ng Munich Security Conference 2023 sa Germany.

Kamakailan lang, inalmahan ng DFA ang paninilaw gamit ang military-grade laser ng Chinese Coast Guard ang mga sundalong naglalayag para maghatid ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ng mga kabarong nakahimpil sa Ayungin Shoal na pasok sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas batay sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea – na kalaunan ay pinagtibay Permanent Court of Arbitration.

Gayunpaman, hindi kinilala ng China ang pasya ng Permanent Court of Arbitration na nagbasura sa pag-angkin ng mga Tsino buong South China Sea.

“It is these challenges which the Philippines and other countries in our region face, especially those who have claims also in the South China Sea. So more or less, that is the daily situation that we face,” ani Manalo.

Bukod sa China at Pilipinas, kabilang rin sa umaangkin sa ilang bahagi ng South China Sea ang mga karatig bansang Brunei, Malaysia, Vietnam at Taiwan.

“Our hope is that the international community, in the context of affirming the need for a rules-based order, would understand our position and help us and support not only the Philippines and other countries in ensuring that we have adherence to a rules-based order in the South China Sea.”

Sa datos ng kagawaran, umabot na sa 76 diplomatic protest ang inihain ng DFA mula nang maupo si Ferdinand Marcos Jr. bilang Pangulo.