
TULUYAN nang tinalikuran ng mga katutubong Dumagat mula sa mga lalawigan ng Rizal at Quezon ang ipinaglalaban matapos tumanggap ng tumataginting na P160 milyong ‘disturbance fee’ kapalit ng pahintulot sa pagtatayo ng P12.2-bilyong New Centennial Water Source – Kaliwa Dam Project (NCWS-KDP).
Ayon kay Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) administrator Leonor Cleofas, tig-P80 milyon ang iginawad sa dalawang grupo ng Dumagat na nakabase sa Tanay (Rizal) at General Nakar (Quezon) sa bisa ng memorandum of agreement (MOA) na pinirmahan di umano ng mga lider ng indigenous people’s organization.
Ani Cleofas, pangangasiwaan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang implementasyon ng mga programang pangkabuhayan ng mga nabiyayaang katutubo.
Aniya pa, nakikipag-ugnayan na rin ang MWSS sa mga lokal na pamahalaan ng Nakar para sa programang magbibigay empleyo sa mga programang pangkalikasan.
“Sa end of 2026, ay pasisimulan na ang operation ng Kaliwa Dam at fully operational na by January 2027,” wika ni Cleofas.
Sa ilalim ng MOA, 36 na IP communities sa General Nakar at 10 sa Tanay ang bibigyan ng tig-iisang milyon kada taon sa sandaling magsimula ang operasyon ng Kaliwa Dam.
Mayroon din aniyang relocation program para sa mga apektadong pamilyang katutubo.