
SA gitna ng kontrobersiya kaugnay ng garapalang operasyon ng mga ilegal na pasugalan sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon), lumutang ang pangalan ng isang retiradong pulis na di umano’y tumatayong kasador sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at mga gambling lords.
Sa isang panayam kamakailan sa isang opisyal ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group, partikular na tinukoy ang isang nagngangalang Adlawan na aniya’y tumatabo ng husto sa P3.1 milyong lingguhang kotong.
Katunayan aniya, nakapagpundar na ng multi-milyong halaga ng mga pag-aari at negosyo ang binanggit na si Adlawan – isang bonggang resort at sabungan kung saan tampok ang talpakang pinupustahan sa pinangangasiwaan din niyang online sabong.
Kwento pa ng impormante, si Adlawan – kasama ang dalawang iba pang kinilala lang sa pangalang Rico Hudas at Tata Obet di umano ang nagsasampa ng lingguhang ganansya para sa mga mataas na opisyales ng PNP Regional Office na nasa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez.
Mayroon din aniyang lingguhang biyaya ang isang opisyal ng CIDG-Calabarzon na pinamumunuan naman ni Col. Marlon Santos.
“Ang totoo, hindi talaga pinapalutang si Adlawan sa region pero di nila pwedeng ilaglag yun… siya (Adlawan) kasi ang direktang kausap ng mga gambling lords.”
Nang tanungin kung sino ang mga opisyales na tumatanggap ng P3.1 milyong lingguhang kotong mula sa 28 gambling lords, tumanggi ang impormante na bigkasin ang pangalan ng mga aniya’y nakikinabang ng husto sa mga illegal gambling operator.
Ang tanging sagot niya – “Eh sino ba ang mga siga sa regional level?”