
HINDI marahil akalain ni former President Rodrigo Duterte na isang taong itinuturing na bahagi ng pamilya ang magkakanulo sa kanya.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad committee ng Kamara, ikinanta ni Samson Buenaventura ang di umano’y code name na gamit ni Duterte sa grupong binuo para wakasan ang kalakalan ng droga sa lungsod ng Davao.
Partikular na tinukoy ni Buenaventura ang grupong Davao Death Squad na aniya’y binuo at pinamunuan mula 1988 hanggang 2008 ng noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte na kilala di umano sa code name na Superman.
Gayunpaman, inamin ni Buenaventura na sa local media lamang nagmula ang pangalan ng nasabing grupo.
Bago pa man kumanta si Buenaventura, ibinunyag ng self-confessed DDS hitman na si Arturo Lascañas sa isang pagdinig ng Senado noong 2017 na malaki ang ginagampanang papel sa DDS ni Buenaventura. Sa salaysay ni Lascañas, si Bunevanetura di umano ang katiwala ni Duterte sa salaping gamit sa operasyon ng DDS.
Sa affidavit naman ng isang “Jose Basilio,” inilarawan si Buenaventura bilang operational “big boss” ng Heinous Crime Investigation Section, na nasa likod umano ng pagbibigay ng clearance sa operasyon ng DDS na tumatarget sa mga kriminal.