DAHIL sa nakaambang peligro ng pagguho ng lupa, idineklarang “no man’s land” ang isang barangay sa bayan ng Libon sa lalawigan ng Albay kung saan naiwan ang bakas ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Sa kalatas ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), partikular na tinukoy ang Zone 1-4 sa Barangay Burabod kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang tumira at pagtatayo ng anumang klase ng istruktura batay na rin sa pagsusuri ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) hinggil pagguho ng lupa.
Anang MDRRMO, isinailalim na rin sa heightened risk ang Zones 1-4.
Sa pagtataya ng Office of Civil Defense, pinakamabigat ang pinsalang tinamo ng Bicolandia, partikular ang mga lalawigan ng Albay at Camarines Sur – sa hagupit ng bagyong Kristine.
“We have warned that building homes or infrastructure in these zones poses serious danger, as the area has been deemed unsuitable for habitation following geological assessments,” pahayag ng MDRRMO.
Hindi rin dapat ipagwalang-bahala ang nakaambang peligro bunsod ng active fault line mula Buga, Nogpo at Bonbon na daraan sa Burabod patungong San Vicente at Linao.
Rekomendasyon ng MDRRMO, relokasyon sa mga residente ng naturang barangay.
