HINDI lahat ng may sadya sa pamahalaan pinahihintulutan makapasok sa mga gusali at tanggapan ng gobyerno. Ang dahilan – may dress code na pinaiiral sa ilang ahensya ng pamahalaan, bagay na ayon sa isang kongresista ay napapanahon nang talikdan.
Mungkahi ni Cotabato Rep. Alana Samantha Taliño-Santos sa kanyang inihaing House Bill 7884 (Open-Door Policy Act), iwaksi ang nakasanayang dress code na aniya’t isa sa mga dahilan ng diskuntento sa hanay ng mga ordinaryong Pilipino.
Ayon kay Taliño-Santos, hindi biro ang dami ng mga mamamayang pinagkaitan ng serbisyong gobyerno dahil hindi pinapasok sa tanggapan ng mga naturingang lingkod-bayan – kung hindi rin lang angkop ang kasuotan.
Sa explanatory note na kalakip ng panukala, partikular na binigyang diin ng kongresista ang Universal Declaration on Human Rights kung saan nakasaad ang karapatan ng bawat mamamayan sa tinatawag na equal access sa mga pasilidad, tanggapan at serbisyo ng pamahalaan.
“However, it is very common for government offices to impose dress codes on citizens,” ani Taliño-Santos.
Kabilang aniya sa mga hindi nakakapasok sa mga tanggapan ng gobyerno yaong mga naka-tsinelas, naka-short at t-shirt.
“This puts an unnecessary burden on our marginalized sectors as they are forced to comply with strict dress codes to avail public services they deserve. Denying entry to public offices based on clothing goes against our State’s commitment to providing equal access to all citizens.”
Para sa naturang kongresista, hayagang diskriminasyon sa mga mamamayan ang mga restriksyon dahil lang sa walang maayos na kasuotan.
Sa sandaling lumusot sa Kongreso at ganap na maging batas, papatawan ng karampatang parusa ang mga mangangahas lumabag.