
TALIWAS sa inaasahan, hindi naisampa ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasong kriminal laban kay suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. Ang dahilan – ayaw makipagtulungan ng mga suspek na nagnguso sa kongresista.
Gayunpaman, naniniwala si Justice Secretary Crispin Remulla na isa lang delaying tactic ang biglang pananahimik ng mga suspek na umamin at nagturo kay Teves na di umano’y utak sa likod ng mahabang talaan ng mga patayan sa Negros Oriental – kabilang si Gov. Roel Degamo na pinatay kasama ng siyam na iba pa sa Bayawan City noong Marso 4.
Ayon kay Remulla, pinayuhan di umano ng mga lumutang na pribadong abogado ang mga suspek na manahimik at huwag magbigay ng anumang pahayag sa piskalya.
Dalawang linggo matapos ang insidente nang magbigay ng pahayag ang mga suspek (kasama ang Public Attorneys Office) sa National Bureau of Investigation (NBI)
Sa kabila ng pananahimik ng mga suspek na unang nagpahayag ng kahandaan tumayong testigo laban sa kanilang ‘amo,’ naniniwala naman ang DOJ chief na mas nangingibabaw ang mga ebidensyang magdidiin sa kongresista.
“So, we were able to build the case. We were able to get the facts within our knowledge and that went very well. We were able to charge them,” ani Remulla.
“Some of them have refused to speak already and issued another statement. We suspect they will be changing statements later on, and make recantations of sorts,” dagdag pa niya.
Pangako ng Kalihim, maisasakatuparan ang nabalam na pagsasampa ng kasong murder, frustrated murder at attempted murder laban kay Teves at iba pa ngayong linggo.