Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PORMAL na inihain ngayong araw ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at apat pang mambabatas ang isang resolusyon na nagsusulong ng agarang imbestigasyon ng Kamaral hinggil sa konstruksyon at operasyon ng private resort sa loob mismo ng idineklarang “World Heritage Site’ sa Sagbayan, Bohol.
Sa inihaing House Resolution No. 1652, target ni Tulfo – kasama sina ACT-CIS partylist na sina Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, gayundin ng dalawang iba pang mambabatas na sina Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd district Rep. Ralph Wendel Tulfo – talupan ang sabwatan ng mga opisyales mula sa mga kinauukulan ahensya ng pamahalaan.
“May mananagot dito, kailangan may managot dito,” ani Tulfo sa isang pahayag patungkol sa Captain’s Peak Resort na matatagpuan sa loob ng sikat na Chocolate Hills.
Sa resolusyon, binanggit ng mga mambabatas ang Presidential Proclamation 1037 (nilagdaan ni dating Pangulo Fidel V. Ramos noong Hulyo 1997) na nagbigay-daan sa Chocolate Hills bilang isang “natural monument.”
Sa naturang proklamasyon, makasaan din ang mahigpit na panuntunan nagbabawal sa anumang proyektong makakasira ang angkin alindog sa nasabing lugar – “… and restrained inappropriate exploitation thereat, regardless of private rights therein, in order to maintain its natural beauty.”
Giit ni Tulfo, ang pagkakaroon ng resort sa lugar ay isang “hayagang pangbabastos sa ating likas na yaman.”
“Ang tanong dito ay paano pinayagan at sino ang pumayag na maipatayo ang isang resort sa lugar na dapat ay ating pinoprotektahan. Kaya dapat itong tutukan at ma-imbestigahan ng Kongreso,” hirit pa ni Tulfo.
Idinagdag pa sa HR 1652 na ang Chocolate Hills ay protektado rin at kasama sa National Integrated Protected Areas System sa ilalim ng Republic Act No. 7586, na ipinagbabawal ang “mutilating, defacing, or destroying objects of natural beauty, or objects of interest to cultural communities as well as constructing of maintaining any kind of structure, fence or enclosures, conducting any business enterprise without a permit.”
Matatandaan na nag-viral sa social media ang Captain’s Peak Resort na itinayo sa mismong paanan ng Chocolate Hills. Sa mga aerial view ng resort, makikita ang mga swimming pool, slides, cottages, at iba pang mga gusali na itinayo sa lugar.
“The construction of the Captain’s Peak Garden and Resort raises serious concerns on possible avenues for the circumvention of laws and issuances on building, business and environmental permits, certification, or licenses in the guise of tourism economic development,” ang saad pa sa nabanggit na resolusyon.
Panawagan ng mga may-akda ng kongresista, marapat lamang aksyunan at masiguro na ang itinuturing na natural monuments at UNESCO World Heritage sites sa bansa mapanatili, mapangalagaan at maprotektahan sa lahat ng oras mula sa anumang uri ng banta at pribadong interes.
