
NI LOUIE LEGARDA
KASABAY ng pambansang pagluluksa sa delubyong kumitil sa buhay ng mga mamamayan, kinalampag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Science and Technology (DOST) sa aniya’y atrasadong babala sa nakaambang kalamidad na kalakip ng mga bagyo.
Para kay Marcos, napapanahon nang paghusayin ng DOST ang mga sistema ng babala para sa publiko sa tuwing may kalamidad na tatama sa bansa.
“Una, inaatasan ko ang DOST na pagbutihin ang kanilang warning system para makapagbigay ng napapanahong babala sa mga panganib na dulot ng mga bagyo,” wika ng Pangulo sa pagbisita sa Talisay, Batangas.
Inatasan din ang DOST na makipag tulungan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para tiyakin ang epektibong paraan ng komunikasyon tuwing may tropical cyclone upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Idineklara ni Pangulong Marcos ang Nobyembre 4, 2024 bilang Araw ng Pambansang Pagluluksa para sa mga biktima ng kalamidad na dala ng bagyong Kristine sa bansa.