TARGET ng Senado igisa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng paulit-ulit na pagbaha sa kabila ng kabi-kabilang flood control projects na pinaglaanan ng pondo ng pamahalaan.
Para kay Senador Alan Peter Cayetano, lubhang nakababahala ang aniya’y hindi matapos-tapos na paggastos ng pamahalaan sa flood control dam at iba pang proyekto kontra baha ng gobyerno.
Sa naganap na plenaryo nitong kamakailan, nagbigay ng kani-kanilang rekomendasyon sina Senador Alan Peter Cayetano, Majority Floor Leader Senator Joel Villanueva, at Senate President Pro Tempore Loren Legarda para maisaayos na ang flood control system ng bansa.
Kasabay ang pagpapahayag ng pagkadismaya sa tila hindi masolusyunan problema sa baha ng kanyang lalawigan ng Bulacan, hinimok ni Villanueva ang mga kapwa senador na usisain ang mga plano at programa ng pamahalaan hinggil sa urban drainage system ng bansa at flood protection sa Metro Manila at iba pang mga lugar na madalas bahain.
Taong 2016 pa nang magsimulang manawagan si Villanueva sa DPWH, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at iba pang kinauukulang ahensya na gumawa ng mga programa para matugunan ang problema.
Giit naman ni Legarda, na kilalang tagapagsulong ng pangangalaga sa kalikasan at climate change awareness, dapat siguraduhin ng National Power Corporation na “updated” ang protocol nito sa pagpapakawala ng tubig ng mga dam, partikular ang Angat, Bustos, at Ipo Dam, tuwing may bagyo.
Aniya, kailangan nakabase sa land-use plans ng mga lugar ang protocol para maging maayos ang ruta ng tubig.
Binigyang-diin naman ni Cayetano ang mga hindi natapos na flood control dam ng DPWH, ay 12 taon na mula nang matuklasan sa isang pagdinig sa Senado – “Natuklasan noong hearing na yun [na] may flood control part na hindi tinuloy ng gobyerno. And this was more than 10 years ago and after that I thought maaayos na lahat.”
“Baka pwede pong isama ‘yan sa titingnan. Kasi same areas ang binaha nung time na y’un – Tarlac, Pampanga, and Bulacan,” aniya pa.
Una nang nagbabala si Cayetano na magiging mas mahigpit ang Senado sa panukalang budget ng DPWH para sa 2024 sa hangaring tiyakin ang wastong paggamit ng pondo ng naturang tanggapan ng gobyerno.
“Damay-damay na po. Kung napansin niyo po, ilang beses itinaas ang MacArthur Highway pero hindi naman in-upgrade yung ibang kalsada kaya yung tubig wala talagang pupuntahan.”