TUMATAGINTING na P6 bilyon ang utang ng pambansang gobyerno sa state universities and colleges at local universities and colleges na pinapatakbo ng local government units (LGU) sa ilalim ng free tertiary education law dulot ng pagtaas ng bilang ng enrollees sa academic year 2022-2023.
“Nagtaas kasi ang enrollment noong natapos ang pandemya, eh, so ‘yung projection ng DBM (Department of Budget and Management), eh, kulang, so may balanse, humigit-kumulang ₱6 billion ang kulang na dapat bayaran diumano sabi ng mga SUCs (state universities and colleges) at LUCs (local) sa DBM,” ayon kay Sen. Chiz Escudero na tumatayong chairman of the Committee on Higher, Technical, and Vocational Education.
“Basically, roughly 50% of SUCs and LUCs exceeded the budgetary allocation of the number of students covered by free tertiary education, 50% followed the budget,” pagsisiwalat ni Escudero.
Binanggit din ng senador ang isa pang namumuong problema ng mga educational institutions ang inaasahang pagtaas ng singil sa matrikula sa pagtatapos ng moratorium.
Aniya, kanyang inatasan ang DBM at Commission on Higher Education (CHED) na pag-aralan kung paano mareresolbahan ang isyu.
“Dahil kung magtaas ng tuition ang mga SUCs at LUCs magkakanda-gulo-gulo na naman ‘yung budget na i-a-allocate namin para sa libreng tuition para sa SUCs at LUCs,” aniya.
“May cap ba dapat ‘yan o wala? Pwede bang mag-cap ang gobyerno sa babayaran lamang sa kada estudyante? Kung ‘yung itinaas na tuition ng SUCs at LUCs hindi binayaran ng gobyerno sa ilalim ng Free Tertiary Education Act, pwede ba nilang singilin ‘yun sa estudyante?” pagtatapos ni Escudero.