
TULUYAN nang binasag ni Vice President Sara Duterte ang pananahimik sa walang humpay na batikos ng mga opisyales ng pamahalaan na higit na kilalang malapit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang pahayag, binuweltahan ni VP Sara ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa di umano’y pananabla sa mga liham ng Office of the Vice President (OVP), kasabay ng giit na may mga dokumentong patunay na tablado ng DSWD ang karamihan sa kanilang mga hiling na tulungan ang mga residente sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kabilang aniya ang 7,056 pending applications para sa Assistance for Individuals in Crisis Situations (AICS) at 2,597 pending applications para sa Sustainable Livelihood Program (SLP) sa Panay at Negros sa DSWD Field Office-VI na hanggang ngayon ay wala pa ring naibibigay na ayuda.
Ayon sa OVP, nakahanda na rin ang listahan ng identified beneficiaries nito sa Cebu, Bohol, at Siquijor Satellite Office ngunit patuloy na bumabalik ang mga tao sa kanilang tanggapan dahil walang natanggap na tulong mula sa DSWD.
Ipinagtataka rin ng OVP ang pagtanggi umano ng DSWD sa pagtulong sa mga biktima ng African Swine Fever (ASF) outbreak — pero kagyat naman kumikilos para sa ibang politiko.
Hindi naman pinangalanan ni VP Sara ang mga kaalyado ng administrasyon na namumulitika gamit ang ayuda.