HINDI pa man nangangalahati sa termino si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inilatag na agad ni former President Rodrigo Duterte ang prayoridad ni Vice President Sara Duterte sa sandaling maluklok sa Palasyo.
Sa pagbisita ni matandang Duterte sa Barangay Pandaitan sa Davao City, tiniyak ng dating Pangulo sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na maisasakatuparan ang pangarap ng mga magbubukid magkaroon ng sariling lupang sasakahin.
“Panahon na siguro na, kung si Inday ang mag-presidente, sasabihin ko talaga sa kanya, “Day, wala naman tayong utang na loob sa mga mayayaman, unahin mo ang reporma sa lupa. Buwagin mo ang mayayaman at ibigay ang lupa sa mga tao,” wika ni Duterte sa wikang Bisaya.
Pasaring pa ni Duterte, karamihan aniya sa mga lupain sa kanayunan ay pag-aari na ng mga mayamang angkan.
“Kung ma-presidente si Inday, soon, sa awa ng Diyos. Anim na taon naman yan. Unti-untiin lang niya. Hindi biglaan dahil malaki rin ang mawala.”
Para naman aniya sa mga magsasakang hindi kayang tustusan ang gastusin sa pagtatanim – tulad ng binhi, abono sa lupa at iba, pahihintulutan ng administrasyon ng batang Duterte ang mga benepisyaryong magsasaka paupahan na lang ang lupa para may kita.
