
BUKOD sa pagmamahal at bigayan sa tuwing panahon ng Kapaskuhan, karaniwang panawagan ng simbahan ang pagpapatawad ng kasalanan ng iba. Pero sa ngayon, pass muna sa ikatlong diwa ng Kapaskuhan si Vice President Sara Duterte.
Sa ginanap na Thanksgiving Party na ginanap sa Office of the Vice President, inamin ni Sara na hindi siya magpapatawad.
Ayon kay VP Sara, obligasyon ng pangalawang pangulo magpaabot ng mensahe sa mga mamamayan hinggil sa diwa ng Kapaskuhan – ang pagmamahalan, pagbibigayan at pagpapatawad.
Gayunpaman, nilinaw ng bise presidente na kung siya ang tatanungin, pass muna umano siya sa pagpapatawad sa gitna ng kabi-kabilang maneobra ng mga kaalyado ng administrasyon.
Bagamat hindi pinangalanan, malinaw na patama kay House Speaker Martin Romualdez ang patutsada bunsod ng patuloy na imbestigasyon ng Kamara sa di umano’y paglustay ng P612.5 million confidential funds na inilaan ng Kongreso sa OVP at Department of Education sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Kalihim ng naturang kagawaran.
“Ang Pasko ay panahon ng pagpapatawad, pagmamahal, at pagbibigay. Forgiving, giving, and loving. Lagi ko pong sinasabi na depende yan sa tao pero dahil ako ay vice president, kailangan ko sabihin na yan ang mensahe at diwa ng Pasko,” anang bise presidente.
“Pero kung ako, hindi ako magpapatawad,” wika ni Duterte
“Iba-iba ang tao, di ba? Mayroon sa atin mabilis magpatawad, mayroong matagal at mayroon sa atin na dinadapa sa hukay ang galit,” dugtong ng pangalawang pangulo.
Paalala pa ni VP Sara sa mga botante, maging matalino sa pagpili ng susunod na lider ng bansa, kasabay ng giit na hindi dapat batayan ang popularidad at apelyido ng angkan.
Higit na angkop rin aniya suriin kung ang mga kandidato ay may sapat na kakayahan, bukod sa kanyang bitbit na apelyido.
Hindi rin aniya utang na loob ng mga mamamayan ang mga ayudang ibinibigay sa kanila ng mga opisyal ng pamahalaan.