KAPWA nagtungo sa Mindanao ang delegasyon ng kamara at mga senador na bahagi ng majority bloc para magsagawa ng assessment sa pinsala at pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng magnitude 7.8 lindol kamakailan.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakasabay ang grupo ni House Speaker Faustino Dy III at acting Senate President Sherwin Gatchalian sa Alabel, Sarangani.
Sa naturang pagkikita, nagpasya ang mga lider ng senado at kamara sa layuning agad na makatugon sa pangangailangan ng mga nasalanta ng nasabing kalamidad para sa mabilis na pagbangon ng mga komunidad na tinamaan ng malakas na pagyanig.
Kasama ni Speaker Dy sa delegasyon sina Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez (South Cotabato 2nd District), Sarangani Rep. Steve Chiongbian Solon, South Cotabato 1st District Rep. Ed Lumayag, General Santos City Rep. Shirlyn Bañas-Nograles; South Cotabato 3rd District Rep. Dibu Tuan at 1-Tahanan Partylist Rep. Elmer Catulpos.
Sa panig ng senado, kabilang sa mga personal na nagtungo sa katimugan sina Gatchalian, Sens. JV Ejercito, Erwin Tulfo, at Senate Majority Floor Leader Migz Zubiri.
Sa maikling pag-uusap ng dalawa, naibulalas ni Gatchalian ang mga katagang “Speaker! My partner. Looking forward to working with you.”
“Partner, looking forward to working with the House of Representatives. Galing din ako sa House for two terms. Matagal ko nang kaibigan ito. Since 2001, magkasama na kami ni Speaker Bojie, kaya excited akong makatrabaho siya.”
Bilang tugon, sinabi Dy kay Gatchalian – “magkita tayo sa SONA.”
