KASABAY ng pagdiriwang ng 128th Philippine Independence, isang malawakang panawagan ang mensahe ni House Speaker Faustino Dy III — patuloy na gamitin pundasyon ang kalayaan para sa sama-samang pag-unlad at pagpapalakas ng bansa.
Giit ni Speaker Dy, kaakibat ng tinatamasang kalayaan ang pagkakaroon ng magandang oportunidad at pagbuti sa kabuhayan ng bawat Pilipino, lalo pa’t dahil maituturing na sapat ang kasarinlan kung hindi naman ramdam ng buong sambayanan.
“Hindi sapat na tayo ay malaya kung marami pa rin ang hindi nabibigyan ng pagkakataon na maging bahagi ng pag-unlad,” pahayag ng lider-kongresista mula sa lalawigan ng Isabela.
“Ngunit ang tunay na diwa ng kalayaan ay hindi lamang ang paglaya mula sa pananakop. Ito rin ay ang kakayahan nating magtulungan upang bumuo ng isang mas maunlad, mas makatarungan, at mas matatag na bansa,” dugtong niya.
Sinabi rin ni Speaker Dy na “ang kalayaan ay may mas malalim na kahulugan kapag ito ay nagbubukas ng oportunidad para sa bawat Pilipino na magkaroon ng disenteng trabaho, dekalidad na edukasyon, at mas magandang kinabukasan para sa kanilang pamilya.”
Hinimok naman niya ang kasalukuyang henerasyon na tiyakin ang bunga ng kalayaan ay maramdaman sa bawat tahanan at komunidad.
“Sa araw na ito, muli nating pagtibayin ang ating pagmamahal sa bayan at ang ating paninindigan na gamitin ang ating kalayaan hindi lamang para sa ating sarili, kundi para sa kapakanan ng buong sambayanan,” hiling din ng House Speaker.
Panghuli, nanawagan si Dy na bigyang parangal ng bansa ang sakripisyo ng mga bayani sa pamamagitan ng pagtatatag ng mas matibay at higit na nagkakaisang Pilipinas.
