SA gitna ng kabi-kabilang pagkondena sa pahayag na ibinulalas ni Vice President Sara Duterte sa namayapang ama ng nakaupong Presidente, biglang umeksena si Senador Cynthia Villar.
Para kay Villar, “no big deal” ang pagbabanta ni Duterte na hukayin sa Libingan ng mga Bayani ang bangkay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at itapon sa West Philippine Sea.
Ayon kay Villar, bugso lang ng damdamin ang tinuran ng pangalawang pangulong aniya’y kinukuyog ng husto ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ng kongreso.
“Syempre galit eh, kung ano-ano ang naiisip kasi galit. Kasi I think, masyado namang prinosecute kaya nagagalit. Siguro yun ang reason doon,” wika ni Villar sa panayam ng mga mamamahayag.
Panawagan ni Villar sa magkabilang kampo, tapusin ang hidwaan sa paraan ng matinong usapan — “Sana mag-ano na lang, magbati na lang para walang problema.”
Kabilang ang anak ni Villar sa talaan ng mga kandidato bilang senador ng administrasyong Marcos sa nalalapit na 2025 midterm election.
