WALA kahit isang documentary evidence na isinumite ng lupon ng tagausig ang isinantabi ng sa senate impeachment court, ayon kay House lead prosecutor Gerville Luistro.
“As to striking off records, no, that is not supposed to happen during a pre-trial conference,” wika ni Luistro.
“By striking off, you are addressing the admissibility of the documentary exhibits, and that is not allowed. That is not a proper subject of a pre-trial conference,” paliwanag ng kinatawan ng Batangas sa Kamara.
Ayon kay Luistro, ang pagkuwestyon kung katanggap-tanggap o dapat payagan ang documentary evidence ay mangyayari lamang sa pag-arangkada ng impeachment trial.
Gayunpaman, tumanggi si Luistro magbahagi ng detalye sa nilalaman ng mga ebidensya ng prosekusyon, maging ang testimonya ng mga tatayong testigo.
Para kay Luistro, hindi dapat makompromiso ang pagsasakdal lalo pa’t ipinagbabawal aniya sa magkabilang panig na pag-usapan ang merito ng kaso.
