HINDI dapat magpalinlang ang publiko sa inilabas na “unmodified audit opinion” ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng umano’y paglustay ni Vice President Sara Duterte sa P612.5 milyong confidential and intelligence funds (CIF) na inilaan ng kongreso sa tanggapan ng pangalawang pangulo.
Sa isang pulong-balitaan sa Kamara, tahasang sinabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na hindi mabubura ng naturang audit opinion ang ‘Notice of Disallowance” ng inilabas ng COA hinggil sa paraan ng paggastos sa pondo ng gobyerno.
Giit ng Manila solon, wala ring epekto ang nasabing COA opinion sa natuklasang irregularidad ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa ilalim ng 19th Congress.
Partikular na tinukoy ni Chua ang na mga irregularidad sa paggastos ng CIF ng Office of the Vice President (OVP) at maging ng Department of Education (DepEd), sa panahong si Duterte pa ang Kalihim.
“Maliwanag naman po ang ating naging mga isyu sa ating impeachment complaints, sa mga articles, eto po’y nilatag natin. Ang pinakamaganda po dito ay sagutin po nila ng maayos,” bulalas pa ni Chua.
Sa panig ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, kinatigan niya ang inilahad ni Chua at kasabay ng paliwanag sa teknikal na kahulugan ng audit opinion ng COA.
“Ang ibig sabihin po ng unmodified opinion, or unqualified opinion, ay ‘yung financial statements are prepared in all material respects, in accordance with the applicable financial reporting framework. So basically, sumunod ka lang dun sa framework kung paano dapat ino-audit ‘yung ahensya,” ani Ridon.
“Hindi ibig sabihin ‘nun na iyong Notice of Disallowance doesn’t exist. ‘Yung P73 million na pinasasauli ay pinasasauli pa rin po hanggang sa araw na ito. Ibang ruta ‘yun, ibang batayan kung bakit po may ganun pong Notice of Disallowance na ibinigay dito po sa OVP,” dagdag niya.
Paalala ng Bicol Saro partylist lawmaker, hanggang sa ngayon ay hindi maipaliwanag ng kampo ni Duterte-Carpio ang kaduda-dudang paggasta sa pagkuha ng ilang safehouses, na ang iba ay nasa loob pa ng exclusive village at mga condo sa BGC na aabot sa P450,000 hanggang P500,000 ang renta kada buwan.
Kapwa binigyan-diin nina Chua at Ridon na ang mga red flag sa CIF ng bise presidente ay dapat masagot sa impeachment trial sa Senado, at hindi dapat gamitin ang audit opinion upang ilihis ang atensyon sa mga pangunahing isyu ng pang-aabuso, maling paggamit ng pondo, at kawalan ng pananagutan sa paggastos ng pera ng taumbayan. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
