HINDI lang mga kongresista at opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dawit sa sumambulat na ghost projects sa Bulacan, ayon sa isang dating assistant district engineer.
Sa pagdinig ng House Infra-Comm, partikular na tinukoy ni former Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Joel Villanueva na umano’y tumanggap ng tumataginting na 30 percent kickback sa mga proyektong pinondohan sa bisa ng budget insertion.
Pag-amin ni Hernandez ipinasok nina Estrada at Villanueva ang pondo sa Bulacan First Engineering Office para mangasiwa sa mga proyekto.
Mula sa binasang sinumpaang salaysay, unang pinangalanan ni Hernandez si Estrada na umano’y nagbigay ng kabuuang P355 milyon para sa iba’t ibang proyekto — kabilang ang flood control, sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
“Ako ay na-contempt kahapon sa Senate Blue Ribbon Committee, habang ako po ay naka-detain nakapag-isip po at nagdesisyon na maglabas ng ilang nalalaman ko sa flood control projects, base po sa aking natatandaan sa ngayon,” bungad ni Hernandez.
“Tama po si Senator Lacson, na ang mga engineer ng DPWH ay tila naging legman o bagman na lang. Kung tatanungin nyo po ako kung sino o kanino kami naging bagman, sasagutin ko na po ngayon,” dugtong niya.
“Sabi ni Senator Marcoleta kahapon, ‘ligtas ka na’, hindi po iyon totoo. Si Senator Jinggoy Estrada, Senator Joel Villanueva, Usec. Robert Bernardo at DE (Henry) Alcantara. Si Senator Jinggoy po ay nagbaba ng P355 million ngayong 2025 sa ilang mga project sa Bulacan,” paglalahad ni Hernandez.
Ayon sa dating assistant district engineer, sinabihan siya ng kanyang boss (Alcanta) na naging head ng Bulacan First Engineering District, ay 30 percent ang “commitment” para mga proyektong napapondohan ni Estrada.
“Sa P355-M projects na ibinaba ni Sen. Jinggoy ay 30% ang sa kanya (SOP). Idineliver ito nang lumabas ang GAA, sa Fairview ng mga driver (Christian Santiago, Andrei Balatbat). Ito ay galing sa utos ni DE Alcantara,” saad sa sulat-kamay at pirmadong salaysay ni Hernandez.
Sinabi rin niya na noong 2023 ay naglabas ng P600 million si Villanueva “at ang SOP nito ay 30 percent din, sabihin ko po kung anong mga project ito, mga line item.”
Tinukoy naman ni Hernandez ang mga ipinatupad nilang proyekto mula sa pondong umano’y naibaba sa kanilang tanggapan ni Estrada, na mayroong kabuuang halaga na P355 million at ito ay ang mga sumusunod:
- Construction of flood mitigating structure with pumping station and flood gate Phase 3, Brgy. Mercado Hagonoy, Bulacan – P60 M
- Construction of flood mitigating structure with pumping station and flood gate, Mambog creek Phase 3, Malolos City, Bulacan – P45 M
- Construction of flood mitigating structure with pumping station and flood gate Phase 3, Brgy. Iba, Hagonoy, Bulacan – P60 M
- Construction of flood mitigating structure with pumping station Calero creek Phase 3, Malolos City, Bulacan – P50 M
- Construction of flood control structure including pumping station and flood gate Phase 3 Brgy. Meyto, Calumpit, Bulacan – P60 M
- Construction of flood mitigation structure with pumping station and flood gate, Brgy. Sto. Rosario creek Phase 3 Malolos City, Bulacan – P40 M
- Construction of flood mitigation structure including pumping station and flood gate Phase 3, Brgy. Carillo, Hagonoy, Bulacan – P40 M
Noong 2023 naman, tinukoy din ni Hernandez ang mga proyektong ginawa mula sa pondong naibaba diumano ni Villanueva sa Bulacan First Engineering District sa kabuuang halaga na P600 M, na kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Rehabilitation of flood control structure along Balagtas river, Brgys. Panginay-Wawa, Balagtas, Bulacan – P75 M
- Construction of Bocaue river flood mitigation structure Station 12 +589 to Station 12 +739, Brgy. Bambang, Bocaue, Bulacan – P75 M
- Construction of Bocaue river flood mitigation structure Station 4 +204 to Station 4 +354 Brgy. Turo, Bocaue, Bulacan – P75 M
- Construction of Bocaue river flood mitigation structure Station 3 +036 to Station 3 +236, Brgy. Kaingin, Bocaue, Bulacan – P75 M
- Construction of Bocaue river flood mitigation structure Station 5 +466 to Station 5 +667, Brgy. Bunlo, Bocaue, Bulacan – P75 M
- Construction of Balagtas river flood mitigation structure Station 3 +533 to Station 3 +683, Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan – P75 M
- Construction of Balagtas river flood mitigation structure Station 7 +654 to Station 7 +804, Brgy. Dalig, Balagtas, Bulacan – P75 M
- Construction of Balagtas river flood mitigation structure Station 14 +124 to Station 14 +274, Brgy. San Juan, Balagtas, Bulacan – P75 M
Tahasang sinabi ni Hernandez na ang 30 percent SOP ni Villanueva ay ibinigay matapos lumabas ng GAA, na ang pera ay nai-deliver mismo nina Alcantara at dating hepe Construction na si Engr. Jaypee Mendoza.
“Si DE Alcantara namin ang masasabing ‘chief implementor’, siya po ang kumakausap sa lahat ng pulitiko na involved dito, at least 3 percent po siya sa lahat ng projects na dumadaan sa opisina namin. At pinapasabi pa nga sa amin sa mga contractor “na kung gusto niyong magkaroon ng maraming project sa susunod ay magbigay kayo ng additional 2 percent” sa kanya, parang finder’s fee daw,” aniya pa.
Samantala, bago ginawa ni Hernandez ang pasabog, nagmakaawa umano siya sa Infra-Comm na huwag na siyang ibalik sa kustodiya ng Senado dahil sa pangamba sa kanyang seguridad.
“Pwede ho bang wag niyo na po ako ibalik sa Senate, Your Honor, kasi may mga involved pong senador dito at hindi ko po alam ang magiging kapalaran ko kung ibalik niyo ako doon,” litanya pa niya.
“Syempre natatakot din po ako sa buhay ko at sa pamilya ko kasi hindi naman po birong tao ‘yung mga taong involved dito,” dagdag nito.
“Engineer Hernandez, you will be protected by this committee as long as you will tell the truth,” ang tugon naman ni AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
