PIHADONG maninikip ang dibdib ng isang prominenteng mambabatas sa nakaambang implementasyon ng freeze order sa mga lupa, salapi, negosyo at iba pang pag-aari.
Sa desisyon ng Court of Appeals, pinaboran ang kahilingan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na pansamantalang piitin ang “assets” ng mga sikat na politiko.
Pasok din sa freeze order ang isang korporasyon at ilang indibidwal at entity na umano’y sangkot sa malawakang katiwalian sa likod ng flood control projects ng pamahalaan.
Batay sa resolusyon ng korte, pinaboran ang hirit na freeze order ng AMLC matapos makitaan sa “probable cause” sa sinasabing kuntsabahan para maisagawa ang katiwalian.
Ayon sa financial investigation ng AMLC, wala umanong malinaw na kita ang mga indibidwal na sangkot para suportahan ang laki ng mga “investments.”
Nasilip din ng CA ang daloy ng pondong mula sa iba’t ibang indibidwal, korporasyon, bank account, money service business at virtual asset platform, na sadyang ginawa para hindi matunton ang tinatawag na “money trail.”
Sakop ng freeze order ang 86 bank accounts, apat na investment accounts, isang insurance policy at 25 virtual asset wallets.
