SADYANG tuso pagdating sa negosyo si Sara Duterte matapos mabunyag ang diskarte ng bise presidente sa biniling lote sa Barangay Matina sa lungsod ng Davao.
Batay sa record ng Register of Deeds, lumalabas na Hulyo 2024 nang bilhin ng mag-asawang Sara at Mans Carpio ang 379 metro kwadradong lote sa Barangay Matina sa halagang P6 milyon.
Pagkatapos ng dalawang linggo, isinanla umano sa bangko ng mag-asawa ang naturang lupa. Ang halaga — P8 milyon.
Sa pag-usisa ng House prosecution panel kay Atty. Kathy Florence Baldonado na tumatayong Register of Deeds ng Davao City, kinumpirma ng opisyal na nakapangalan kay Carpio ang nasabing lote na nasa ilalim ng Transfer Certificate of Title No. 146-2024010775.
Batay sa annotation na nakasaad sa titulo, sinabi ni Baldonado na Agosto 27, 2024 ginamit ng mag-asawang Duterte-Carpio bilang mortgage sa Philippine Savings Bank (PS Bank) sa halagang P8 million.
“So, binili siya ng July for 6 million at minortgage on August 2024, the same year, for 8 million. Tama po ba?” tanong ni Flores.
“Base po dito sa dokumentong pinapakita ko, yes po, sir,” sagot ni Baldonado.
Bukod sa Matina property, naiprisinta rin ng prosekusyon ang isa pang lote ng Duterte-Carpio couple sa Kembali Coast, Island Garden City of Samal sa Davao del Norte.
Kapwa wala sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte ang mga nabanggit na loteng pasok sa kategorya ng “pag-aaring hindi natitinag.”
