KALAKIP ng posisyon sa pamahalaan ang obligasyon ideklara nang buong katapatan ang ang yaman — mula sa pera, lupa, negosyo at iba pang pag-aari.
Sa isang kalatas, nilinaw ni House prosecution adviser and spokesperson Ace Barbers na hindi puntirya ng prosekusyon ilantad ang yaman at iba pang ari-arian ni Vice President Sara Duterte.
Subalit higit aniyang makatwiran panagutin ang pangalawang pangulo sa pagtatago ng yaman sa isinusumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) kada taon.
“Ang SALN ay sinumpaang affirmation ng iyong yaman. Hindi ito form na pwedeng piliin kung anong asset ang ilalagay. Kung required ideklara ang property, you disclose it. And when you sign your SALN, you put your oath behind that declaration,” pahayag ni Barbers matapos ang pagharap ni Davao City Register of Deeds Atty. Kathy Florence Baldonado.
Para sa dating kongresista, malinaw na nilabag ni Duterte ang 1987 Constitution sa pagkukubli ng biniling lupa sa Barangay Matina sa lungsod ng Davao at maging ang beachfront sa Kembali Coast sa Samal Island na pinatotohanani naman ni Samal Register of Deeds Marco Pineda.
“Hindi na isang property ang pinag-uusapan. Sa dalawang property pa lamang na inilabas ngayong araw, halos P9.5 million na ang acquisition value. Hindi puwedeng basta i-dismiss iyan bilang maliit na detalye,” paglalarawan ni Barbers sa testimonya ng dalawa.
“Para sa ordinaryong Pilipino, P3.45 million is not loose change. At ang mas malaking tanong: kung asset ito na required ideklara, bakit hindi ito makikita sa sworn declaration?,” dagdag ni Barbers.
“2018 binili. Hanggang ngayon, ayon sa Registry of Deeds, nakapangalan pa rin kay Mans Carpio. Hindi ito property na dumaan lang at nawala bago maging Vice President si Sara,” aniya pa.
Giit ni Barbers, kung isang property pa lamang na kinakitaan ng discrepancy ay kailangan nang magpaliwanag, ang pagkakabisto ng pangalawang ari-arian ay mas lalong nagbigay ng malaking katanungan.
“Kanina, P6 million sa Matina. Ngayon, P3.45 million sa Samal. Dalawang properties na, halos P9.5 million ang combined acquisition value. Dalawang Registry of Deeds records. One sworn disclosure obligation,” ani Barbers.
“Ang SALN ay hindi suggestion. It is a declaration under oath,” he said. “Una, Matina. Pangalawa, Samal. Dalawa na. Ilan pa ang nakatago?”
