MATAPOS ipagkanulo ang di umano’y dating karelasyon, inamin ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma na may komunikasyon pa rin sila ni former President Rodrigo Duterte.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad committee ng Kamara, isiniwalat ni Garma ang pagtawag sa kanya sa pamamagitan ng telepono ng dating pangulong una na niyang idiin sa reward system na kalakip ng extrajudicial killings sa giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Garma, nangyari ang pagtawag ni Duterte matapos kumpirmahin sa quad comm ang reward system na ginamit ng dating pangulo para tiyakin ang implementasyon ng anti-illegal drugs campaign na inilunsad bago pa man pormal na naluklok sa Palasyo noong 2016.
Nang tanungin ni ACT Teachers partylist Rep. France Castro sa dahilan ng pagtawag ni Duterte, sinabi ni Garma na ipinaliwanag sa kanya ng dating pangulo kung bakit pulis na miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang pinahanap sa kanya para pamunuan ang malawakang kampanya laban sa kalakalan ng droga.
“Your Honor ang sabi niya mapagkakatiwalaan sa pera ang Iglesia Ni Cristo,” ani ni Garma.
“So ibig sabihin, dahil siya na mismo ang nagsabi na mapagkakatiwalaan sa pera, so ibig sabihin — inductive reasoning lang Mr. Chair — so ibig sabihin mapagkakatiwalaan ng pera si Col. Leonardo. Dahil Col. (Edilberto) Leonardo is an Iglesia ni Cristo. Parang ganun ang implication sa iyo,” sundot ng militanteng kongresista.
Tugon ni Garma, “Opo, your Honor.”
“So ibig sabihin, nabibigyan ng pera si Col. Leonardo, ‘yong mga rewards?” tanong ulit ni Castro.
Ani Garma —“It can be interpreted that way, maybe your Honor.”
