November 3, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

MGA BATA KINAKALAT NG KOJC PARA MAMALIMOS?

NI ESTONG REYES

SA unang araw pa lang ng pagharap sa senado, sandamakmak na pasabog ang pinakawalan ng mga dating miyembro laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.

Kabilang sa mga alegasyon laban kay Quiboloy ang di umano’y pangingilak ng pondo gamit ang mga bata.

Sa testimonyang binigkas sa harap ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, hayagang inamin ni Teresita Valdehueza na pinupwersa ng KOJC founder ang mga kapanalig na magpakalat ng mga bata para gumawa ng pera.

Katunayan ani Valdehueza, siya mismo’y binigyan ng quota ni Quiboloy na magsampa ng hindi bababa sa P15 milyon tuwing sasapit ang buwan ng kapaskuhan sa tulong ng mga batang nanlilimos sa araw at nangangaroling pagsapit ng dilim.

Pag-amin ni Valdehueza, isa lang siya sa mahabang talaan ng mga miyembrong inobligang abutin ang itinakdang quota.

“Naghirap ang maraming workers at members sa pag-caroling at pag-solicit sa bawat tao sa lahat ng dako dito sa ating bansa. May namatay, may naaksidente, may nakulong, may mga na-rape pa na hindi na nai-report dahil baka hindi paniwalaan,” wika ni Valdehueza.

“Meron din po akong quota… P10 to P15 million to raise in the month of December alone. I organized the nationwide caroling to meet my quota. We recruited and trafficked our young people from Mindanao and Visayas to carol in the provinces of Luzon and in the National Capital Region cities,” dugtong ng testigo.

Para tiyakin hindi sasablay sa target, kinailangan di umano lumiban sa klase ang mga batang ginagamit pag tungtong pa lang ng buwan ng Disyembre.

Nang tanungin kung saan napupunta at paano ginamit ang nalikom na pera tuwing sa pamamalimos at pangangaroling ng mga bata sa tuwing sasapit ang Disyembre, wala aniya maski isa sa kanila ang nangahas magtanong.

Sa panig ni Quiboloy wala aniyang katotohanan ang mga alegasyon ni Valdehueza kaugnay ng paggamit sa mga bata — at maging sa panlilimos.

“Wala po kaming mga polisiya na magpalimos ang bata Hindi po. Wala pong katotohanan yun” ani Quiboloy nang tanungin ng committee chairperson Sen. Risa Hontiveros.

Pagpapatuloy ni Valdehueza, hindi natatapos ang pangingilak ng pera sa tuwing nalalapit ang kapaskuhan. 

Mula aniya Pebrero hanggang Oktubre, nagtitinda naman sila kung anu-anong kakanin para makalikom ng salaping pambigay sa na ikapo, “Alay kay Kristo,” pondo para sa pagpapatayo ng gusali, love offering at iba pa.

Ang quota ng bawat inaatasang magtinda — P1,000 kada araw.