MALAKING gulo ang paglalarawan ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa aniya’y napipintong tagpo sa bansa sa sandaling ipagpilitan ng International Criminal Court (ICC) na arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong giyera kontra-droga noong nakaraang administrasyon.
Gayunpaman, hindi kumbinsido si dela Rosa sa kakayahan ng ICC na isakatuparan ang pag-aresto sa kanya at sa dating Pangulo.
Paliwanag ng senador na nagsilbing hepe ng pambansang pulisya ng inilunsad ang kampanyang kumitil ng mahigit 6,000 sibilyan, wala naman sariling arresting officers ang ICC.
“Sino ang mag-aresto niyan? Wala naman silang pulis na mag-aresto. Inaasahan lang nila ‘yong law enforcement ng host country na mag-implement ng kanilang mga decision so anong mangyari diyan. Ayaw ng gobyerno natin so sinong police na magpa-hero-hero na susunod sa order nila na ang stand ng ating gobyerno ayaw?” ani dela Rosa sa isang panayam sa radyo.
“Malaking gulo kung mag-insist sila kasi dahil hindi naman papayag ang ating kapulisan at kasundaluhan walanghiyain ang ating gobyerno.”
Malabo rin aniyang maisagawa ang pag-aresto sa kanya at kay Duterte sa tulong ng Interpol na aniya’y umaasa rin sa tulong ng lokal na pulisya ng mga bansang tinutungo.