
SA kabila pa ng babalang inilabas ng Food and Drug Administration (FDA), patuloy pa rin binebenta online ang nakamamatay na bleaching cream na mula sa Estados Unidos.
Ayon sa grupong Ban Toxics, lubhang nakakabahala ang anila’y kawalan ng kakayahan ng pamahalaan supilin ang inilarawan nilang banta sa buhay at kalusugan ng mga tao.
Partikular na tinukoy ng Ban Toxics ang Stillman Skin Bleach Cream na batay sa pagsusuri ng mga eksperto ay nagtataglay ng mercury – isang elementong posibleng magdulot ng kanser sa mga konsyumer ng naturang produkto.
Sa isinagawang online market surveillance ng grupo, napag-alaman ng BT Patrollers ang patuloy na pagbebenta ng Stillman Skin Bleach Cream sa iba’t ibang social media platforms – taliwas sa umiiral na reglamento ng e-commerce sa bansa.
Ayon sa patalastas ng nasabing produkto, ang Stillman Skin Bleach Cream 28g (Made in USA) ay pamahid na maaaring gamitin bilang ‘anti-ageing’, ‘anti-tan’, pantanggal ng mga pekas, panglinis ng balat, pang-araw-araw na pangangalaga sa balat para sa lalaki at babae, at may expiry date na July 31, 2025.
Gamit ang SCIAPS X Series HH XRF Analyzer, sinuri ng grupo ang nasabing produkto at lumabas na positibo sa toxic mercury (Hg) na may antas na 805 parts per million (ppm) – malayo sa 1 ppm limitasyong nakatakda sa ASEAN Cosmetic Directive.
Sa pakikipag-ugnayan ng grupo sa FDA, napag-alamang wala rin Certificate of Product Notification o nakabinbin na aplikasyon ang nasabing produkto sa naturang ahensya ng gobyerno..
“Dapat tiyakin ng pamahalaan ang pagbabawal sa patuloy na pagbebenta ng mga nasabing produkto. Ang mga online shopping platforms naman ay may legal na responsibilidad upang matiyak na ang mga produktong binebenta ay tumalima sa health and safety standards sa bansa,” ani Thony Dizon, Toxics Campaigner ng Ban Toxics.
Alinsunod sa Republic Act 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009), ipinagbabawal ang paggawa, pag-angkat, pagpapalaganap at pagbebenta ng mga produktong pangkalusugan, kasama ang mga cosmetics, nang walang pahintulot mula sa FDA.
Sa ilalim ng Joint Administrative Order (JAO 22-01) Section 13, tungkulin ng e-commerce platforms, e-marketplaces, at mga katulad nito, ang pagberipika kung ang mga produktong binebenta ng mga online sellers at e-retailers sa kanilang mga platform ay regulated, pinagbabawal, orihinal, hindi peke, lisensyado, o hindi pa expired.
Ayon pa sa JAO, “sa kasong prima facie na paglabag sa anumang batas o regulasyon sa pamamagitan ng online post ng online seller, e-retailer, e-commerce platform, e-marketplace at mga katulad nito, ang responsableng ahensya ay maglalabas ng pabatid upang bigyan ng maximum na tatlong araw ang lumabag na alisin ang post, nang walang pagtatangi sa angkop na aksyong administratibo sa mga lumabag.”
“Paalala sa mga online businesses, agarang alisin ang mga ipinagbabawal na mga pampaputing produkto na nagtataglay ng nakalalasong mercury.”
“Upang maiwasan ang pagkalantad sa nakalalasong mercury, tinatawagan ng pansin ang mga online businesses na itigil na ang pagbebenta ng mga produktong pampaputi na ipinagbabawal sa bansa,” dagdag ng grupo.
Maging sa Estados Unidos kung saan nagmula ang naturang bleaching cream, naglabas na rin ng babala ang US Food and Drug Administration sa publiko na iwasan ang paggamit ng mga pampaputi sa balat, sabon, at mga lotion na nagtataglay ng mercury.
“Nakakabahala ang epekto sa kalusugan kapag na-expose ang isang tao sa mercury. Hindi lamang ito panganib sa mga taong gumagamit ng mga kontaminadong produkto, kundi pati rin sa kanilang mga pamilya. Maaaring malanghap ng ibang kasama sa bahay ang mercury vapors o kaya ay ma-expose sa pamamagitan ng paggamit ng mga tuwalya at iba pang damit na kontaminado ng mercury.”