SA gitna ng nakaambang santambak na kaso, posible pa rin naman di umano gawing state witness si suspended Bamban Mayor Alice Guo, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Gayunpaman, nanindigan si PAOCC spokesperson Winston Casio na may mga kalakip na kondisyon pagiging state witness – dapat least guilty at handang ituro ang mga kasama sa loob ng sindikato sa likod ng mga scam farms na pasok sa mga ilegal na aktibidades ng mga sinalakay na POGO hubs.
“We wouldn’t be open to that discussion until and unless we get higher on the food chain in relation to the crime that this group has committed,” wika ng tagapagsalita ng PAOCC.
Subalit dahil aniya sa lawak at lalim ng ebidensyang hawak ng ahensya, malabong makapasok si Guo bilang state witness, lalo pa’t lumalabas aniya sa imbestigasyon na hindi maliit ang papel ng suspendidong alkalde sa mga nadiskubreng krimen sa likod ng sinalakay na POGO hub sa lokalidad na kanyang pinamumunuan.
Una nang pinatawan ng six-month preventive suspension ng Office of the Ombudsman si Guo at dalawang iba pang local officials dahil sa pagkakasangkot sa scam farm na nasa 10-ektaryang compound ng Baofu Land Inc. na pag-aari mismo ng alkalde.
Samantala, nilinaw ni Atty. Stephen David, tumatayong abogado ni Guo, na wala sa plano ang suspendidong alkalde mag-apply bilang state witness lalo pa’t wala naman di umanong kinalaman ang mayor sa illegal POGO operation.
