KAPALIT ng pagkakalagay sa panganib ng kanilang buhay partikular sa paghawak ng mga sensitibong kaso, muling inihain ni House Speaker Martin Romualdez ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng hazard pay ang mga public prosecutors o mga piskal.
Sa House Bill (HB) No. 2664, target ni Romualdez bigyan ng P5,000 buwanang hazard pay ang mga piskal na humahawak ng mga kasong may kaugnayan sa terorismo, ilegal na droga, katiwalian, money laundering, at iba pang high-risk offenses.
Ayon kay Romualdez na isa ring abogado at kasalukuyang pangulo ng Philippine Constitution Association (Philconsa), ang mahalagang papel ng mga pampublikong piskal sa pagpapatibay ng tinatawag na “rule of law,” gayundin sa pagbibigay-proteksyon sa mamamayan laban sa mga banta at dumaraming bilang ng mga pag-atake sa mga nakalipas na taon.
“In the performance of their functions, they are assigned to investigate and prosecute cases involving national security, dangerous drugs, terrorism and notorious criminals,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.
“As a consequence of their duties and exposure to hazardous situations, many prosecutors have received death threats and a number of them have been killed in the line of duty,” dagdag niya.
Kasama ni Romualdez sa pagsusulong ng panukala bilang mga co-authors sina Tingog Party-list Representatives Yedda Marie K. Romualdez, Andrew Julian K. Romualdez, at Jude A. Acidre.
Pag-amin ng mga kongresista, madalas nagiging target ng banta at karahasan ang mga piskal, kung saan hindi bababa sa 13 ang pinaslang sa nakalipas na dekada sa pagganap sa sinumpaang tungkulin.
“Given the precarious nature of their work, prosecutors are thereby exposed to risks and perils to their lives,” anila.
Saklaw ng panukalang batas ang mga piskal mula sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ) na naka destino sa mga high-risk areas, kabilang ang mga lugar na may kaugnayan sa pambansang seguridad, transnational crimes, at environmental offenses.
Kasama rin ang mga piskal na nasa conflict zones, lugar na tinamaan ng kalamidad, o mga liblib na lugar.
Ang hazard pay na ito ay hindi papatawan ng buwis at hindi makaaapekto sa anumang umiiral na benepisyo.
Inaatasan ng panukala ang DOJ at Department of Budget and Management (DBM) na bumalangkas ng implementing rules sa loob ng 60 araw matapos sa sandaling ganap na maging batas.
Ang pondong gagamitin para sa unang bahagi ng implementasyon ay magmumula sa kasalukuyang pondo ng DOJ, habang ang susunod na pondo ay isasama sa taunang General Appropriations Act (GAA).
“This bill reaffirms the State’s duty to maintain peace and order, protect life, liberty and property, and promote the general welfare,” anang lider ng Kamara.
Noong 19th Congress, naipasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang katulad na panukala.
Kumpyansa naman si Romualdez na makakakuha ng malawak na suporta mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang refiled version ng panukala. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
