BUMABA o pwersahang pinababa? Ito ang tema ng usapan sa loob ng Department of Health (DOH) matapos kumpirmahin ng Palasyo ang pagtatalaga kay Dr. Jose Pujalte Jr. bilang bagong Kalihim ng naturang kagawaran.
Gayunpaman, nilinaw ng Palasyo na nagbitiw sa pwesto si former Health Secretary Teodoro Herbosa dahil sa kondisyon sa kalusugan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tinanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibitiw ni Herbosa na aniya’y sumailalim sa operasyon sa tuhod. Matapos umano ang operasyon, kailangan pa umano ni Herbosa ng tatlo hanggang apat na buwan para sa rehabilitasyon at “therapy.”
Taong 2023 nang italaha ni Marcos si Herbosa bilang DOH Secretary. Sa mga nakalipas na taon, kabi-kabilang kasong may kinalaman sa katiwalian ang inihain laban sa Kalihim.
Bago pa man hinirang bilang DOH Secretary, nagsilbi si Pujalte bilang medical center chief ng Philippine Orthopedic Center mula noong 2014.
Naging bahagi ng DOH si Pujalte Jr., taong 1991 at natapos ang kanyang orthopedic residency sa Philippine Orthopedic Center noong 1994.
Nagtapos siya ng kursong medisina sa University of the Philippines College of Medicine at kalaunan ay nagtamo ng master’s degree sa hospital administration mula sa Ateneo de Manila Graduate School of Business.
