Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA loob lamang ng tatlong buwan, umabot sa P20 milyon ang inubos ng Office of the Vice President (OVP) para lang sa mga mga biyahe – bagay na nararapat lamang ipaliwanag ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay former Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares, may kabuuang P59.5 milyong pondo ang OVP ngayong taon. Sa naturang halaga, P20 ilyon ang agad na ginastos sa loob lang ng 100 araw.
Sa pagtalakay ng Kamara sa panukalang budget ng OVP para sa taong 2025, nanawagan si Colmenares sa mababang kapulungan na busisiin ang pondong inilaan ng Kongreso sa tanggapan ng pangalawang pangulo, kasabay ng giit kay Duterte kung ano ang nangyari sa travel fund na inilaan para sa isang buong taon.
Bukod aniya sa travel fund ng OVP, angkop lamang di umano silipin ng Kongreso ang bilyones na travel fund ng Department of Education (DepEd) bago pa man nagbitiw ang si Duterte bilang Kalihim ng naturang ahensya.
Muli ring binuhay ng Bayan Muna chairperson ang paggamit ni Duterte ng confidential fund ng OVP, partikular ang P125 milyon halaga na naubos mula Pebrero 6 hanggang Marso 29, 2023 o sa loob lamang ng 50 araw.
Maging ang paggastos ng bise presidente ng P125 confidential fund mula Abril 25 hanggang Hunyo 30, 2023 o sa loob lamang ng mahigit dalawang buwan.
Noong 2022, matatandaan na lumutang din ang paggastos ng P125 million confidential fund sa loob lamang ng 11 araw.
“Untransparent itong CIF, dapat tight guarding ito. Kaya hindi pwedeng pabayaan na lang ang pagwaldas ng pondo ng bayan sa mga kunwaring pinagkakagastusan na wala naman support ng resibo o proof of payment. Dapat ang mga pondong ito, dalhin sa mga nangangailangan tulad ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Carina at oil spill, hindi sa reward o travel ng kung sino-sino,” litanya ni Colmenares.
Panawagan ng dating kongresista, limitahan ang paglalaan ng CIF sa mga ahensyang may kinalaman lang sa seguridad ng bansa.
“Dapat mahinto na ang kaliwa’t kanan na pagbibigay ng confidential and intelligence fund sa mga sibilyan ahensya ng gobyerno. Congress must ensure that the 2025 budget is cleansed of such highly irregular and un-auditable expenses like these confidential and intelligence funds. Charges must be filed against those who cannot account for their CIF expenses” pagtatapos ni Colmenares
