HIGIT na kailangan ng bigyan ng puwang sa lipunan ang mga taong may kapansanan – bagay na mangyayari lamang kung bibigyan ng pagkakataon ang hanay ng persons with disability (PWD) ng pagkakataon makapagtrabaho.
Sa ilalim ng House Bill 8941, target ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na amyendahan ng Kongreso ang Republic Act 7277 (Magna Carta for Disabled Persons) para sa pagbibigay ng trabaho sa persons with disability (PWDs) kapwa sa government at private sectors.
Mungkahi ni Tulfo sa inihaing panukala, maglalaan ng isang porsyento ng kabuuang bilang ng empleyado sa bawat tanggapan ng pamahalaan at maging sa mga pribadong sektor ng pwesto sa kumpanya (may 100 manggagawa pataas) para sa hanay ng mga kwalipikadong PWDs.
“While RA 10524 is the recent amendment to RA 7277, which guarantees the positions of qualified PWDs in government agencies, offices, and corporations, this bill seeks to expand the said mandate by making it compulsory for private entities with more than 100 employees to allot at least one percent of their total position to the qualified PWDs, and in consonance, highly encouraging the said practice to the private corporations with less than 100 employees,” sabi pa ng ranking House official.
Para aniya maengganyo ang iba pang mga negosyante, bahagi ng panukala ni Tulfo ang paggagawad ng insentibo sa mga pribadong kumpanyang tutupad sakaling ganap na maisabatas ang HB 8941.
Bukod kay Tulfo, kabilang rin sa mga co-authors ng HB 8941 sina ACT-CIS partylist lawmakers Reps. Jocelyn Tulfo at Edvic Yap, gayundin sina Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo.