
SA gitna ng pabago-bago o hindi matatag na suplay at presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan, iginiit ng kongresistang kumakatawan sa sektor ng agrikultura ang paglikha ng Rice Incentivization, Self-Sufficiency, and Enterprise (RISE) Program.
Paliwanag ni AGRI partylist Rep. Wilbert Lee, higit na kailangan tiyakin hindi na muling kakapusin ang bansa sa pangangailangan ng naturang agricultural product.
Ayon sa Bicolano congressman, ang pamahalaan ay maglaan ng sapat na pondo sa ilalim ng nabanggit na programa, para sa pagbili ng mga ani ng local rice farmers – sa presyong may kaukulang kita ang huli.
“Panahon na para maglaan ang gobyerno ng subsidiya sa pagbili ng bigas sa mga magsasaka sa presyong tiyak ang kanilang magiging kita para masuportahan ang pamilya. Kung hahayaan natin manatili ang mga problema sa sektor at mas bumigat pa ang pasanin ng mga magsasaka, panghihinaan sila ng loob na magpatuloy sa kanilang kabuhayan at mahihirapan tayong hikayatin ang kabataan na pasukin ang agrikultura. We will also have an epidemic of rice fields being turned into subdivisions,” wika ng partylist representative.
“Via the RISE Program, we believe there is a chance for the Philippine rice industry to rise again. Sa subsidiyang ito ng gobyerno para masigurong maibebenta ng mga magsasaka ang bigas sa presyong hindi sila babaratin, ma-enganyo silang pataasin ang kanilang produksyon. Sa tulong nito, magkakaroon ng sapat na supply ang bansa at hindi tayo aasa lang sa importasyon,” pagbibigay-diin ng mambabatas.
Dagdag ni Lee, bukod sa direktang pagbili ng gobyerno sa mga rice farmer, sa ilalim ng RISE program ay itinakda rin ang pagbebenta sa mga bigas na ito sa presyong abot-kaya ng mga Filipino consumer.
“Bibilhin ng gobyerno ang bigas sa presyong sigurado ang kita ng mga magsasaka, at ibebenta sa consumers sa halagang mas abot-kaya. Mapapagaan na ang pasanin ng mga magsasaka at mamimili, makakatulong pa sa ating food security. Dito sa RISE Program, Winner Tayo Lahat,” giit pa niya.
Sinabi ni Lee na lubhang nakababahala na umasa na lamang ang Pilipinas sa pag-angkat ng bigas kaya hinimok niya ang gobyerno na sa halip na importasyon ay dapat magkaroon ito ng mga programa para sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng bigas.
“Noong 2001, nag-import tayo ng 808,000 metric tons ng bigas. Nung 2021, 2.9 million na. The amount has more than tripled, and all the while we have rice-exporting countries that have decided to halt rice exports. Nakakabahala na maging dependent na lang tayo sa ibang bansa sa supply ng bigas. Imbes na importasyon, dapat pataasin ang lokal na produksyon,” ayon pa kay Lee.