SA halip na bumalik sa Pilipinas para harapin ang kabi-kabilang kasong kriminal kaugnay ng mga patayan sa Negros Oriental, hiniling sa Kamara ni Negros Oriental Rep. Arnie Teves ang dalawang buwang ‘leave of absence.”
Katwiran ng kongresistang suspek sa pamamaslang kamakailan kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, may seryosong banta sa kanyang kaligtasan.
“The undersigned, Representative of the Third District of Negros Oriental, humbly plea and request that he be granted a two-month leave of absence due to very grave security threat to his life and his family, to be reckoned from March 9, 2023,” ani Teves sa kanyang liham na pinadala sa tanggapan ni Housse Spaker Martin Romualdez.
Pagtitiyak ni Teves, babalik siya sa Pilipinas sa sandaling matiyak na ang kanyang kaligtasan – maging sa pamilyang di umano’y pinagbabantaan na rin ng kanyang mga kalaban.
“Rest assured that he will come back as soon as the threat will be dealt with accordingly under our laws, and with the aid of the government. Thank you for your kind attention,” dagdag pa ni Teves sa kanyang liham na may petsang Marso 9 – ang mismong araw ng pagtatapos ng travel authority clearance na iginawad sa kanya ng Kamara.
Samantala, nakatakda na rin imbestigahan ng House Ethics Committee ang patuloy na pagliban sa trabaho ni Teves.
“Pending submission of the Report by the Committee on Ethics to the Plenary, we leave it to the sound discretion of the Committee to investigate and recommend imposition of the appropriate disciplinary action,” ayon sa pahayag ni Majority Leader Mannix Dalipe.