
SARILING imbestigasyon ng tugon ng Department of Justice (DOJ) sa nakaambang pagpasok ng International Criminal Court (ICC) para mangalap ng impormasyon, datos at ebidensya laban sa dating Pangulo Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong digmaan laban sa droga.
Sa ginanap na pulong kasama ang European Parliament Subcommittee on Human Rights, iginiit ni Justice Secretary Crispin Remulla sa ICC, kasado na ang DOJ probe na bubusisi sa serye ng patayan sa ilalim drugwar ng administrasyong Duterte.
Pag-amin ng European Parliament Subcommittee on Human Rights, hindi agad mapapatawan ng karampatang parusa ang mga responsable sa kabi-kabilang pamamaslang sa giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Ang dahilan – usad pagong na imbestigasyon.
Tugon naman ni Remulla, may kakayahan ang pinamumunuan kagawaran na magsiyasat – “We will do it on our own.”
Gayunpaman, hinikayat pa rin ni European Parliament Subcommittee vice chairman Hannah Neumann ang DOJ na makipagtulungan sa ICC probe para sa maayos na imbestigasyon kaugnay ng 6,000 insidente ng pamamaslang sa anim na taong termino ng dating Pangulo.
Dagdag pa ni Neumann, malaking bentahe sa mga naulila ng mga biktima ang mabilis na pag-usad ng kasong isinampa laban kay Duterte, dating Philippine National Police chief Sen. Ronald Dela Rosa at iba pa.
Hindi rin umano akmang ang gobyernong [pinaniniwalaang responsable sa serye ng patayan ang magkasa ng imbestigasyon.
“By the very same people who killed their loved ones?” patutsada ni Neumann kay Remulla.