SA ikawalong pagkakataon sa nakalipas na walong linggo, muling magpapataw ng dagdag-presyo sa binebentang produktong petrolyo sa merkado ng mga dambuhalang oil companies.
Katwiran ng mga oil companies, lubha silang apektado sa galawan ng presyo ng langis bunsod ng pagbabawas ng produksyon ng mga bansang miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC).
Sa pagtataya ng mga oil players, papalo sa 70 sentimos ang dagdag-presyo sa krudo na karaniwang gamit ng mga pampublikong sasakyan tulad ng bus at jeep.
Nasa 30 sentimos naman ang dagdag-presyo sa gasolina habang 80 sentimos naman sa kerosene na gamit sa pagluluto sa mga tahanan.
Inaasahan din ang P4 dagdag-presyo kada kilo ng LPG pagsapit ng buwan ng Setyembre.