KASADO na ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bulwagan ng Kamara de Representantes sa Lunes, Hulyo 27.
Sa isang kalatas, inilatag na rin ng Kamara ang mga alituntunin tulad ng seguridad, “dress code,” at mga itinalagang lugar para sa mga imbitadong panauhin.
Paglilinaw ng Kamara, “strictly by invitation” ang pagdalo sa Joint Session ng ika-20 Kongreso kung saan inaasahang magbibigay ng ulat sa bayan ang pangulo ng bansa.
Mahigpit din anilang ipatutupad ang assigned seating arrangement sa mga bisita kabilang ang mga opisyales mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga dayuhang dignitaryo.
Panawagan ng Kamara sa mga dadalo, maglaan ng dalawang oras na palugit para sa “security verification” at pag-upo sa itinalagang pwesto sa loob ng plenaryo.
Hindi rin anila pinahihintulutan ang paglabas sa plenaryo ng mga panauhin hanggang sa paglisan ng Pangulo.
