PARA sa isang militanteng kongresista, malinaw ang motibo kung bakit pinagpipilitan ng Office of the Ombudsman gawing state witness si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan.
Sa isang pulong balitaan, hayagang kinastigo ni ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio ang tinawag niyang “selective justice” kung saan protektado ang kaalyado — kesa magturo ng iba pang sangkot sa dambuhalang katiwalian sa pamahalaan.
Kapuna-puna rin aniya na pawang kalaban sa pulitika ang nakulong at nakasuhan sa usapin ng flood control scandal.
“Malinaw talaga na tama ang pananaw ng publiko… selective ang investigation, selective prosecution. Kapag kakampi pinoprotektahan. Pinoprotektahan ang kakampi dahil pinoprotektahan ang pangulo. Pag diniinan ang mga kakampi, lahat sila ay ituturo ang pangulo,” wika ni Tinio.
Partikular na tinukoy ng militanteng mambabatas ang kasong plunder na kinakaharap ni Bonoan. Imbes aniyang diinan, target pa ng Office of the Ombudsman gawing state witness ang dating Kalihim.
Bukod kay Bonoan, nakukulangan din si Tinio sa dapat sana’y panagutan nina dating Department of Education (DepEd) Undersecretary Trygve Olaivar, at dating Undersecretary Adrian Bersamin na pinangalanan ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na tumanggap ng bilyones mula sa komisyon sa flood control projects para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hindi rin aniya dapat iwanan sa paghahabla si dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na sa halip na imbestigahan, hinirang pa bilang chairperson and Chief Executive Officer ng Al-Amanah Islamic Investment Bank of the Philippines (AAIIBP).
