
Courtesy: Senate of the Philippines
Ni Estong Reyes
NAGPUPUYOS sa galit ang ilang senador sa naglabas ng impormasyon na pinag-usapan sa executive session nitong Lunes na naglantad sa pangalan ng siyam na senador nanagtutulak ibalik ng secret funds ni Vice President Sara Duterte.
Nitong Lunes, lumabas sa isang online news website ang pangalan ng siyam na senador na pabor na ibalik ang P650 milyong confidential at intelligence funds (CIFs) ni Duterte na tinanggal ng Mababang Kapulungan.
Dahil dito, kinastigo ni Senador Jinggoy Estrada sa gumawa ng news report na sinusuportahan niya ang pagbabalik ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), na parehong pinamumunuan ni Duterte.
Tinanggal ng Kamara ang mahigit P1.23 billion halaga ng confidential funds sa limang ahensya sa ilalim ng 2024 proposed budget kabilang ang 500 million inilaan sa OVP at P125 million sa DepEd.
“We never voted with regard to all the intelligence or confidential fund. In fact, we agreed unanimously to remove all CIF, not only OVP and DepEd, but all civilian agencies that have CIF,” ayon kay Estrada.
Aniya, lantarang paglabag ang paglalabas ng impormasyon mula sa executive session sa Senate rules.
Sinegundahan naman ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang impormasyon na nilalaman ng news report na pawang misinformation at matinding binatikos na pawang “tsismis” lamang.
“Kahit tsismis o gossip yan walang problema sa akin. Ang problema paano lumabas sa isang media outlet ‘yung mga nag-transpire sa usapin kahapon. That is for me, that is the most important thing,” ani Estrada.
Sa ilalim ng Section 129 ng Senate Rules, sinumang senador na lumabag sa secrecy ng isang executive session ay mapapatalsik sa botong 2/3 ng Senado bilang kapulungan. Sakaling opisyal o tauhan ng Senado, maaari itong patalsikin sa trabaho o puwesto.
“I’m very disappointed…. When we say executive session, we are bound by rules… We had healthy discussion, there was no voting that took place. It’s not fair to say one group was for this, one group was for that,” ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ipinaliwanag naman ni Cayetano na kabilang sa talaan, kung bakit nagsasagawa ng executive session ang mga mambabatas.
“Wala naman kaming balak i-sikreto. Ilalabas nga ‘yun pero minsan may mga dikskusyon na gusto marinig opinyon ng bawat isa na walang pipigilan,” paliwanag ni Cayetano.
“Nag-aalala rin ang mga senador na may implikasyon sa ibang executive session ang nangyaring leak. Karaniwan kasing pinag-uusapan sa executive session ang mga isyung may kinalaman sa national security at sensitibong impormasyon,”giit niya.
Para naman kay Dela Rosa, hiniling nito sa Senate Ethics Committee na talupan sa bisa ng isang Senate inquiry ang insidente at panagutin kung sinuman ang nagligwak ng impormasyon.
“We have to make into account ‘yung taong responsable dito. Di lang mag-issue ng stern warning sa kanila,” ani dela Rosa.
“This is not a laughing matter. This is serious. Filipino people are watching us right now. Sabihin nila ganyan pala senado sila-sila na lang nag-uusap magli-leak pa sa media. That is very dangerous,” dagdag niya.
Sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian na: “Leaks like this will destroy our credibility, integrity and it will not prevent security agencies to give us the truth because they will have doubts in their minds whether information will be kept safe.”
Nagkasundo ang kapulungan na paiimbestigahan ang insidente sa Senate Ethics Committee.