BUHAY pa sana ang isang senior citizen sa lalawigan Batangas kung hindi sa brownout na nagdulot ng aberya sa kuryenteng nagpapagana sa nebulizer para sa mga pasyenteng hirap sa paghinga.
Bulalas ng isang Mhike Clerwin na apo ng pumanaw na pasyente, nagne-nebulizer ang kanyang lolong may hika nang biglang nawalan ng kuryente sa kanilang lugar.
“My lolo passed away after the power went out while he was using a nebulizer, a machine that requires electricity, for his asthma and difficulty breathing,” saad sa post ni Clerwin.
“He needed to use the nebulizer every day to help treat his condition. But today (May 15, 2026), he was unable to continue his treatment because of the Manual Load Dropping (MLD) event implemented by the National Grid Corporation of the Philippines.”
Ayon sa kaanak ng biktima, araw-araw gumagamit ng nebulizer ang matanda bunsod ng hika. Nang muling atakihin ng hika noong Mayo 15, bigla naman umanong nawalan ng kuryente.
Sa panig ng Batangas Electric Cooperative, bandang alas 5:00 ng hapon nang makatanggap ang kanilang tanggapan ng abiso ng rotational brownout dahil sa red alert status ng Luzon grid.
Hindi naman kinagat ng pamilya ng biktima ang paliwanag ng Batangas Electric Cooperative. Anila, huli na ang abiso at walang nakasaad na oras at lugar kung saan mawawalan ng kuryente.
Pinasa naman ng Batangas Electric Cooperative ang sisi sa NGCP na anila’y may kontrol sa pagpapatupad ng rotational brownout.
