Ni ESTONG REYES
TALIWAS sa paniwala ni Senador Imee Marcos, hindi hangad ng China lusubin ang Pilipinas gamit ang mga makabagong hypersonic missiles sa Pilipinas.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, hindi sapat na dahilan para tirahin ng China ang Pilipinas dahil lang sa West Philippine Sea.
“Hindi gusto ng China sa aking pananaw, di gusto ng Pinas, Taiwan, Southeast Asia. Wala naman siguro may gusto ng giyera dahil walang panalo,” sambit ni Escudero sa isang panayam sa radyo.
Para kay Escudero, ika-siyam na siglo pa nang magkaroon ng ugnayan ang Pilipinas at China – bagay na aniya’y pinapahalagahan ng mga naturang bansa.
“Wala naman nangyaring digmaan. Walang sakitan at patayan para sa akin sa tingin ko sa haba ng relasyon natin, people to people relations have existed for centuries already, isang maliit na gusot lang ito at malalampasan natin through people-to-people engagements,” dugtong ng lider ng Senado.
Kamakailan lang nang magpahayag ng pangamba si Senador Marcos sa di umano’y napipintong pagpapakawala ng China ng mga hypersonic missiles na nakatutok sa 25 lugar sa Pilipinas.
Batay sa mga pagsasaliksik, walang panama ang patriot missiles ng Estados Unidos kumpara sa hypersonic missiles na tatlong ulit na mas mabilis sa “speed of sound.”
Samantala, pinabulaanan ng China ang pasabog ni Senador Marcos. Anila, kapayapaan lang sa rehiyon ng Asya ang hangarin ng naturang bansa.
