HINDI pa man ganap na nakakaupo bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd), dismayado na agad ang hanay ng public school teachers matapos pabulaanan ang pangakong itataas sa P50,000 kada buwan ang antas ng sahod ng mga guro.
Sa isang panayam sa radyo, nilinaw ni incoming DepEd Secretary Sonny Angara na wala siyang ipinangakong gagawing P50,000 ang buwanang sahod ng mga guro sa napipintong pag-upo sa kagawaran.
Paliwanag ni Angara, hindi “realistic” ang P50,000 buwanang sahod na doble sa kasalukuyang P27,000 sweldo ng entry level na guro.
“Sa ngayon, ang starting salary is 27,000. Yung 50,000, halos dodoblehin yun. So, dodoblehin mo yung budget ng salaries. Medyo, it’s not realistic. I think what we want is a salary increase over time. Yun ang tinitingnan, pinag-aaralan ng gobyerno,” ani Angara.
Wala rin aniya siyang binanggit na halaga sa naturang panayam – “Wala akong pinangakong ganun.”
“Ang sabi ko kumpiyansa po ako na within the term of PBBM tataasan ang sweldo ng ating guro dahil pinag-aaralan na yan ng Department of Budget, Department of Finance at Office of the President. I know that it will happen in the next few years of the President’s term,” paglilinaw ng senador.
Gayunpaman, nilinaw ni Angara na pabor siyang dagdagan ang sweldo ng mga public school teachers.
“Pero tayo, hundred percent in support po tayo for all of these teachers’ increase dahil alam natin na apektado ang kalidad ng edukasyon kapag talagang inspired yung mga teachers at you attract the best, yung pinaka magagaling, the best and the brightest ika nga.”
