SA hangarin lubos na maunawaan ng mga ordinaryong mamamayan ang nangyayari sa Senate impeachment court, hihilingin ng House prosecution panel na isalin sa wikang Filipino at major regional languages ang bawat kaganapan sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay lead prosecutor at House Committee on Justice Chairperson Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, plano nilang pormal na isulong ang mungkahi pagsapit ng pre-trial conference sa Hunyo 18.
“I wish to formalize as well on this upcoming pre-trial conference, the possibility of us, the prosecutors, and even the defense, to use Filipino language when the same is possible,” wika ni Luistro sa isang press briefing sa Batasan Complex, Quezon City.
“It is our intention na lahat ng mangyayari during the impeachment trial should be understandable on the part of the ordinary Filipinos,” dagdag ng mambabatas.
Giit ni Luistro, ang impeachment ay isang constitutional process na tungkol sa usapin ng public accountability na dapat maunawaan at maging malinaw hindi lamang sa hanay ng mga abogado, politiko at mga opisyales ng gobyerno kundi sa maging sa publiko.
Umapela rin ang Batangas lady House leader sa mainstream at social media platforms na tumulong sa pagtitiyak na tama ang mga impormasyong ibabahagi sa kabuuan ng impeachment ng proceedings.
Sinegundahan naman ni House impeachment spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang punto ni Luistro kung kaya sa panig ng kanilang communications team, sinabi niyang pinag-uusapan na nila ang mga kailangang gawin upang mas madali at tamang maintindihan ng taumbayan ang lahat impormasyong ibabahagi kaugnay ng naturang proseso.
“Ang intensyon po talaga natin dito is mabigyan ng serbisyo ang ating mga kababayan na maintindihan nila ang pinag-uusapan sa impeachment trial,” ayon kay Alonto Adiong.
Isa sa nakikita ni Adiong na hamon ay ang technical legal arguments at terminology na hindi pamilyar o agad na nauunawaan ang pakahulugan sa marami.
Samantala, pinawi naman ni Luistro at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, ang pangamba ng publiko sa pagiging “closed door” at walang live media coverage ng pre-trial conference.
“I think the reason is expediency. Dahil napakahabang proseso na itong pretrial conference na ito, it may take two to three days and even more,” paliwanag niya kasabay sa pagtitiyak na sa panig ng prosekusyon ay laging magbibigay ng update sa publiko lalo na sa mga kaganapan sa trial proper.
Pahabol din niya, “we are not against making the pre-trial conference open to the public. As a matter of fact, we are in support of that.”
“I think the impeachment court just wants to spare the people this boring process,” bulalas naman ni Zamora.
“Kunwari, babasahin ang pangalan ng isang ebidensya. Sasabihin, we will mark that as our Exhibit A, Exhibit A-1, A-111. Ganun po. Napakahaba po niyan,” dagdag lady San Juan City solon.
